Photo courtesy of Marcy Teodoro Volunteers FB
Bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na itigil ang paniningil sa mga consumer para sa kuryenteng hindi naman nakararating sa kanilang mga tahanan, naghain si Marikina City 1st District Rep. Marcelino “Marcy” Teodoro ng panukalang nagbabawal sa mga power distribution utility at electric cooperative na singilin sa consumer ang system loss charges.
Layunin ng House Bill No. 10461, o ang Electricity Consumers’ System Loss Relief Act of 2026, na amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), ang Anti-Electricity Pilferage Act, at ang National Internal Revenue Code upang alisin ang system loss charges sa mga bayarin sa kuryente ng mga consumer at hindi na ito patawan ng value-added tax (VAT).
Ayon kay Teodoro, dalawang beses na nagbabayad ang mga konsyumer para sa kuryenteng hindi nila natanggap—una, sa pamamagitan ng system loss charge na ipinapataw sa kanilang bill at ikalawa, sa pamamagitan ng 12% value-added tax (VAT) na ipinapataw sa naturang singil.
“For the working families of Marikina and of every city and province in the country, that is real money taken for phantom electricity, at a time when the Philippines already records among the highest residential power rates in Southeast Asia,” wika niya.
Sa ilalim ng panukala, aamyendahan ang umiiral na mga batas upang pagbawalan ang distribution utility at electric cooperative na singilin ng system loss ang mga consumer, obligahin ang mga ito na sagutin ang naturang pagkalugi bilang bahagi ng kanilang operational expenses habang sumusunod sa mga efficiency standards na itinakda ng Energy Regulatory Commission (ERC), at alisin ang 12-porsiyentong VAT sa kuryenteng hindi naman naihatid sa mga consumer.
Paliwanag ni Teodoro, na balanse ang panukala dahil pinangangalagaan nito ang kapakanan ng mga konsyumer habang tinitiyak din ang katatagang pinansyal ng mga power distributor at electric cooperative, na maaari pa ring mabawi ang nawala sa system loss sa pamamagitan ng regulated rate-setting process ng ERC.
“The VAT exclusion is confined strictly to the system loss component, and the distribution, supply, metering, and other charges for electricity actually consumed remain fully taxable. What the bill removes is only what should never have been there — a charge, and a tax on that charge, for electricity the consumer never received,” paliwanag niya.
Ang panukala’y bahagi ng mas malawak na adbokasiya ni Teodoro na madagdagan ang perang pumapasok sa bulsa ng pamilyang Pilipino, sa pamamagitan ng mga hakbang na magpapababa sa pang-araw-araw na gastusin at magpapalakas sa purchasing power ng pamilyang Pilipino.
Sa panahon ni Teodoro bilang Mayor ng Marikina, binigyan niya ng exemption sa business permit at buwis ang mga kuwalipikadong sari-sari store at karinderya — isang programang ipinagpapatuloy ngayon ng kanyang asawa.