Wala nang balakid sa pagpapatuloy ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang inihayag ni House lead prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro, matapos ibasura ng Korte Suprema ang mga petisyong kumukuwestiyon sa naging proseso ng Kamara para ma-impeach ang bise.
Aniya kinikilala ng desisyon ang eksklusibong kapangyarihan ng Kamara na magpasimula ng impeachment at ng Senado na litisin at pagdesisyunan ang kaso.
Umaasa rin si Luistro na hindi na muling ungkatin ang mga isyung may kaugnayan sa naging pagdinig ng House Committee on Justice sa muling pagbubukas ng impeachment trial sa Lunes.
Samantala, sinabi ni House prosecution legal spokesperson Benjamin Tolosa Jr. na nilinaw rin ng desisyon na ang Senado na ngayon ang tamang forum upang sagutin ng Bise Presidente ang mga alegasyon laban sa kanya.
Aniya, nabigo ang mga pagtatangkang pigilan ang impeachment proceedings sa pamamagitan ng Korte Suprema dahil naisakatuparan na ng Kamara ang tungkulin nitong aprubahan at ipadala sa Senado ang Articles of Impeachment.
Kaya naman paghikayat niya sa bise, iharap sa impeachment court ang kanyang mga paliwanag at ebidensiya. | ulat ni Kathleen Forbes