Narekober ng pulisya ang bangkay ng isang lalaki sa loob ng sinunog na sasakyan na natagpuan sa Guiguinto, Bulacan noong gabi ng August 4.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr na ang biktima ay 29-taong gulang, isang pribadong empleyado, at residente ng Pulilan, Bulacan.
Ayon kay Nartatez, sangkot sa krimen ang maglive-in partner at dalawa nilang kasabwat.
Lumabas sa imbestigasyon na balak ng maglive-in partner huthutan ng pera ang biktima.
Ngunit kalaunan ay nagkaroon umano ng relasyon ang babae at ang biktima, na naging dahilan ng selos ng lalaking ka-live-in nito at nauwi sa planong pagpatay.
“The probers have stated that the motive is a crime passion…” ani PNP Chief PGen Jose Melencio Nartatez Jr.
Ayon sa PNP, pinalo muna ng mga suspek sa ulo ang biktima bago ito pinosasan. Gumamit pa umano ang mga ito ng alambre upang sakalin ang biktima hanggang sa mamatay.
Matapos ang krimen, isinakay ang bangkay sa sariling sasakyan at dinala sa isang farm sa Guiguinto at saka sinunog.
Apat ang natukoy na suspek sa krimen kung saan dalawa sa kanila ay mga kasabwat na naaresto na habang patuloy namang tinutugis ng pulisya ang live-in couple na itinutuing na mastermind.
Sa kabila nito, idineklara ng PNP na case solved ang insidente matapos matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.