Inihain ng Young Guns bloc sa Kamara, ang panukala na maisama sa mga paksang ituturo sa paaralan ang tungkol sa West Philippine Sea.
Layunin ng House Bill No. 10587 o West Philippine Sea Education Act na magkaroon ng komprehensibong programa sa edukasyon at pagpapalaganap ng kaalaman hinggil sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa mga mag-aaral sa basic at higher education.
Ayon sa Young Guns, mahalagang maturuan ang kabataan ng tamang impormasyon upang hindi mabiktima ng maling impormasyon at propaganda sa social media.
“Our young people are vulnerable to fake news and propaganda flooding social media. We have a duty to teach them the truth so they grow up armed with accurate, evidence-based knowledge of our sovereign rights and entitlements.” saad ng Young Guns bloc
Nakakabahala din umano na maging ang ilang halal na opisyal ng bayan ay nagpapalaganap ng pro-China narrative at ipinagtatanggol pa ang China sa kabila ng pangha-harass nito sa mga Pilipinong mangingisda at mga tauhan ng pamahalaan sa West Philippine Sea.
Dahil dito, iginiit nilang dapat nang simulan sa mga paaralan ang pagtuturo ng katotohanan upang hindi lumaking “traydor sa bayan” ang mga kabataan.
Ang panukala anila ay nakabatay sa Konstitusyon, Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS, at sa 2016 South China Sea Arbitral Award.
Inaatasan nito ang Department of Education at Commission on Higher Education na bumuo ng pamantayang learning materials katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, habang isusulong din ang pagsasanay ng mga guro, information campaigns at pananaliksik sa maritime security at karapatan ng bansa sa karagatan.