Photo courtesy of Rep. Bong Suntay FB
Inihain ni Quezon City Fourth District Representative Jesus “Bong” Suntay ang isang panukala na naglalayong akuin ng pamahalaan ang gastos sa mandatory discount ng mga senior citizen at persons with disability (PWD).
Sa ilalim ng House Bill 10657 o Social Benefits Fiscal Responsibility Act, ibabalik ang full tax credit sa mga establisimyentong nagbibigay ng 20 porsiyentong diskuwento sa mga benepisyaryo.
Sa kasalukuyan, deduction lamang sa gross income ang maaaring i-claim ng mga negosyo kaya bahagi lamang ng kanilang ginagastos ang nababawi.
Ayon kay Suntay, mananatili ang umiiral na benepisyo ng mga senior citizen at PWD at ang babaguhin lamang ay kung sino ang sasagot sa halaga ng diskuwento.
Nakasaad din sa panukala na maaaring humiling ng cash refund ang mga micro at small businesses para sa kanilang hindi nagamit na tax credits, habang carry-over at refund naman ang maaaring gawin ng medium at large taxpayers.
Mayroon ding mga probisyon laban sa double claims at fraud, kabilang ang mas mahigpit na dokumentasyon, pag-uulat, at transparency sa gastusin ng programa.
Giit ni Suntay, kung ang gobyerno ang nag-uutos ng social protection program, nararapat lamang na ito rin ang umako sa tunay na halaga ng benepisyong ipinagkakaloob.
“For more than two decades, malaking bahagi ng gastos ay ipinasa natin sa restaurants, pharmacies, groceries at iba pang negosyo. Kung programa ito ng Estado para sa kapakanan ng ating mga kababayan, dapat handa rin ang Estado na panagutan ang tunay na gastos nito,” ani Suntay.