Patuloy ang pag-aabot ng tulong-pagkain sa mga pamilyang Batangueño matapos isagawa ang ikatlong bugso ng distribusyon ng rice subsidy sa ilalim ng Bawat Bayan Makikinabang Program sa mga bayan ng Rosario at San Jose, Batangas.
Sa ilalim ng naturang programa, tumanggap ng tig-10 kilong bigas ang mga benepisyaryong pamilya upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa Rosario, Batangas, personal na pinangunahan nina Governor Vilma Santos-Recto at Mayor Leovy Morpe ang pamamahagi ng ayuda. Kasabay nito, ibinahagi rin ng gobernador at ng mga pinuno ng Kapitolyo ang iba’t ibang inisyatiba sa ilalim ng H.E.A.R.T.S. Program upang mas mailapit ang mga batayang serbisyo sa mga komunidad.
Nagtungo rin si Governor Santos-Recto sa bayan ng San Jose kasama si Mayor Reggie Virtucio para ipagpatuloy ang distribusyon ng ikatlong tranche ng rice subsidy, pati na rin ang pag-aabot ng honorarium para sa mga barangay functionaries, sectoral leaders, at volunteers.
Ang Bawat Bayan Makikinabang Program ay inisyatiba ng pambansang pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na naglalayong patatagin ang food security at tiyaking direktang nakararating ang suporta sa mga pamilyang nangangailangan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.