Pinuri ni House Prosecutor Terry Ridon ang mga testigong humarap sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, na aniya’y nanindigan at hindi nagbago ng kanilang mga pahayag sa kabila ng pagtatanong ng depensa at senator-judges.
Ayon kay Ridon, mahalaga ang mga testigo dahil karamihan sa kanila ay mga career government personnel mula sa mga ahensyang nagsasagawa ng imbestigasyon at audit.
Kabilang dito ang mga opisyal ng LandBank, NBI at dating COA-ICFAO auditor na si Roderick Wamil, na naglahad ng mga impormasyong saklaw ng kanilang tungkulin at naging bahagi ng pagsusuri sa confidential funds.
Sinabi ni Ridon na nagpapakita ng kanilang propesyonal na kalayaan ang pagharap ng mga testigo at patuloy na pagsagot sa mga tanong kahit ma-usisa at ma-cross-examine.
“Sa totoo lang, mataas ang pagtingin namin sa mga witnesses po namin dahil ang totoo, even if they are badgered by whoever it is, by the defense or whoever it is, they continued. And more importantly, they are speaking truth to power. Ito po ay mga ordinaryong kawani mula sa mga investigative accountability agencies. Ibig sabihin, mataas po yung nakataya sa kanila dito po sa pag-upo nila sa impeachment witness stand,” saad ni Ridon.
Iginiit naman ni Ridon na hindi maaaring isisi ng depensa sa mga ordinaryong kawani ng OVP at DepEd ang umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ayon sa mambabatas, hindi maaaring maglabas ng pondo o tseke ang Special Disbursing Officers nang walang pirma at awtorisasyon ng head of agency, kaya hindi makatarungang sila lamang ang managot.
“Hindi ho natin puwedeng sabihin na yung Special Disbursement Officer lang yung pwede hong itali dito po sa maling paggamit ng confidential funds. Hindi ho natin puwedeng sabihin na yung accountant lang yung puwede ho natin itali sa disbursement of confidential funds. Huwag ho tayong magbolahan dito na pwede ikulong lang, pwedeng ilaglag lang yung ordinaryong kawani nang hindi po pinapanagot, yung pinakatuktok yun hong hepe ng particular na opisina ng OVP,” ani Ridon.