📷 PIA
Mas madali na ngayon ang biyahe patungong sakahan, mas ligtas ang suplay ng tubig, at mas maliwanag ang mga kalsada para sa mga residente ng apat na barangay sa bayan ng Bontoc matapos opisyal na maiturn-over ang apat na completed infrastructure projects sa ilalim ng Local Government Support Fund–Support to Barangay Development Program (LGSF-SBDP) noong Agosto 5, 2026.
Nagkakahalaga ng ₱10 milyon ang nasabing mga proyekto na naglalayong palakasin ang paghahatid ng batayang serbisyo sa pamamagitan ng pagpapabuti ng kalsada para sa agrikultura, pagtiyak ng malinis na inuming tubig, at pagkakaloob ng renewable energy sa mga liblib na komunidad.
Ayon kay Executive Assistant V Benedict P. Odsey II, na kumatawan kay Mayor Franklin C. Odsey, ang mga proyektong ito ay patunay ng visual ng munisipalidad na “Bontoc on the Rise.”
“Higit pa sa mga kalsadang ating pinakinis, mga water system na ating inayos, at mga solar light na ating inilagay, ang mga proyektong ito ay nagbubukas ng oportunidad, naglalapit ng direktang serbisyo sa ating mga mamamayan, at nagpapataas ng kalidad ng pamumuhay sa ating mga komunidad,” pahayag ni Odsey.
Maging ang mga residente ay nagpaabot ng kanilang labis na pasasalamat. Ibinahagi ni Ringo Dayowan mula sa Barangay Bayyo kung paano nabawasan ang oras ng kanilang pagbiyahe patungo sa kanilang mga sakahan.
“Dati, umaabot ng 30 minuto hanggang isang oras ang pagbiyahe gamit ang kuliglig papuntang bukid. Ngayong may farm-to-market road na, mas mabilis na ang biyahe. Malaking bagay ito sa amin,” pahayag ni Dayowan sa wikang Ilocano. Nagpasalamat din siya sa pamahalaan at umasang masusundan pa ang proyekto upang tuluyang makonekta ang kalsada hanggang sa pinakaloob ng kanilang mga sakahan.
Samantala, sa mensahe ni DILG-Cordillera Regional Director Atty. Anthony C. Nuyda na ipinaabot ni DILG Mountain Province Provincial Director Anthony Manolo I. Ballug, binigyang-diin nito na ang tagumpay ng proyekto ay bunga ng matibay na pakikipagtulungan ng pambansang pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, katuwang na ahensya, at ng mismong komunidad.
Ang LGSF-SBDP ay isang prayoridad na programa ng pambansang pamahalaan na nagpopondo sa mga batayang pasilidad at development projects sa mga barangay na dating naapektuhan ng sigalot upang isulong ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran.