Malaking bilang ng mga residente ng Barangay Bagong Silangan sa Quezon City ang lumikas at pansamantalang nananatili sa pitong evacuation centers dahil sa patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat.
Isa sa pinakamalaki ang New Bagong Silangan Evacuation Center, kung saan mahigit 400 pamilya ang kasalukuyang namamalagi.
Kabilang dito si Nanay Airyn Nartea na tatlong araw nang nasa evacuation center kasama ang kanyang tatlong anak.
Aniya, nakasanayan na nilang lumikas tuwing malakas ang ulan dahil nakatira sila sa lugar na itinuturing na danger zone.
Tuloy-tuloy naman ang pagpapaabot ng tulong ng LGU sa mga residente na regular na nagbibigay ng hot meals at tinitiyak na nasa maayos silang kalusugan.
Tampok din sa limang palapag na evacuation center ang mess hall, child-friendly space para makapaglaro ang mga bata, clinic at pet-friendly area para hindi maiwan ang mga alagang hayop ng mga pamilyang lumikas.
Digital na rin ang profiling ng mga evacuee para magkaroon ng maayos at updated na database ng mga residenteng apektado.