Nanawagan si Solid North Party-list Representative Ching Bernos sa mga tour operator na igalang ang mga tradisyon at paniniwala ng mga Indigenous Peoples o IP communities at huwag gawing palabas o atraksyong panturismo ang kanilang mga sagradong gawain.
Kasunod ito ng paalala ng mga opisyal at residente ng Sagada, Mountain Province na huwag gawing tourist attraction ang kanilang tradisyong Panag-apoy sa paggunita ng Undas.
Sa naturang tradisyon, nagsisindi sila ng saeng o pine fatwood bilang bahagi ng pag-alala at pagbibigay-pugay sa mga yumao.
Ayon kay Bernos, bagama’t maaaring maging interesado rito ang mga turista, mahalagang matiyak na hindi naaapakan o nalalapastangan ang kultura at paniniwala ng mga katutubo.
Binigyang-diin din niyang dapat nakabatay sa pahintulot ng mga IP community ang lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa turismo, sa pamamagitan ng patuloy na konsultasyon at koordinasyon sa mga lokal na komunidad.
“Paalala lang po sana sa ating mga tour operators—respetuhin po natin ang mga tradisyon ng mga IP at huwag lamang natin tingnan ang mga ito bilang pagkakataon para sa turismo. Indigenous practices and traditions are interesting to both local and international tourists, however, we must ensure that tourist activities do not encroach on these traditions or offend IP members,” diin ni Bernos | ulat ni Kathleen Forbes