Pinanawagan ni Senate President Sherwin Gatchalian ang mas mahigpit na pagbabantay at pananagutan sa mga nagbibigay ng serbisyo para sa mga alagang hayop, kasunod ng pagkakatuklas sa 29 na patay na alagang hayop na iniwan sa mga sako sa San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon kay Gatchalian, ang insidente ay malinaw na paglabag sa mga environmental at sanitation laws.
Pero mas nakababahala aniya na nagbayad ang mga may-ari ng alagang hayop para mabigyan ang mga ito ng maayos na huling pamamaalam, pero itinapon lang ang mga labi sa gilid ng kalsada.
Tinawag ng senate president na panloloko ang insidente at iginiit na dapat managot ang mga responsable.
Hinikayat rin niya ang mga lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya, kabilang ang Bureau of Animal Industry, na inspeksyunin at i-audit ang lahat ng pet service provider kabilang ang mga crematorium.
Kailangan aniyang matiyak na lisensyado ang mga ito, sumusunod sa mga pamantayang pangkalikasan at may integridad sa pagbibigay ng serbisyo.
Bilang isa ring pet parent, sinabi ni Gatchalian na nakalulungkot at nakakabahala ang ganitong pagtrato sa mga alagang hayop na itinuturing nang miyembro ng pamilya. | ulat ni Nimfa Asuncion