Photo courtesy of Philippine Coast Guard (PCG)
Nagbigay ng tulong medikal ang Philippine Coast Guard (PCG) sa 13 Pilipinong mangingisda na sakay ng fishing boat na San Andres 721 sa karagatang sakop ng Kota Island sa West Philippine Sea, noong November 22.
Ayon sa PCG, naubusan ng suplay ng tubig-tabang ang mga mangingisda kaya humingi ang mga ito ng tulong sa Philippine Navy upang makagamit ng pasilidad na nagpoproseso ng tubig-dagat para maging tubig-tabang.
Samantala, agad namang inasikaso ng mga tauhan ng Coast Guard Station Kota ang pangangailangang medikal ng mga mangingisda.
Kabilang sa mga isinagawang serbisyo ang pagsusuri ng blood pressure, paglilinis at paggamot ng mga sugat, at pagbibigay ng mga kinakailangang gamot.
Binigyang-diin ng PCG, na bahagi ito ng kanilang patuloy na pagbabantay sa West Philippine Sea upang matiyak ang kalusugan, kaligtasan, at kapakanan ng mga Pilipinong mangingisda na naghahanapbuhay sa naturang karagatan.