Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga babae para sa pagtataguyod ng seguridad at pagtatamo ng kapayapaan sa bawat bansa sa mundo.
Ito ang sentro ng mga talakayan sa isinagawang Manila Thematic Meeting ng Women, Peace and Security Focal Point Network sa pangunguna ng Pilipinas at Italy mula November 24 hanggang 27.
Ayon sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), layon nitong isulong ang mga pangunahing agenda ng network kasabay ng kanilang ika-10 aniberasryo sa ilalim ng UN Women Secretariat
Dinaluhan ang pagtitipon ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang bansa, United Nations, civil society, at development partners.
Sinabi ni Presidential Peace Adviser, Secretary Mel Senen Sarmiento, ang Pilipinas ang unang bansa sa Asya na nagpatibay ng National Action Plan on Women, Peace and Security (NAPWPS), noong 2010.
Dito, ibinahagi ng Pilipinas ang whole-of-society approach nito bilang kasalukuyang nagpapatupad ng 4th Generation National Action Plan on Women Peace and Security (2023–2033).
Kabilang sa programa ang direktang pakikipag-ugnayan ng mga delegado sa mga lokal na lider, katutubo (IPs), at mga kababaihang tagapagtaguyod ng kapayapaan sa Metro Manila, Negros Island Region, Agusan del Norte, Davao del Norte, at Maguindanao.
Tatalakayin din sa pulong ang mga bagong hamon tulad ng climate change, cybersecurity, at karahasang nakabatay sa kasarian gamit ang teknolohiya.