Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magpapababa sa optional retirement age ng mga kawani ng pamahalaan mula 60 tungo sa edad 56.
Nakakuha ang House Bill 10995 ng 209 na boto pabor, walang tumutol at isang abstention.
Sa ilalim ng panukala, maaaring magretiro ang mga kawani ng gobyerno sa edad na 56, basta’t nakapagsilbi sila nang hindi bababa sa 15 taon at hindi tumatanggap ng buwanang pensiyon dahil sa permanent total disability.
Aamyendahan nito ang Government Service Insurance Act of 1997 o Republic Act 8291.
Ayon sa mga may-akda, layunin nitong mabigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong kawani na mas maagang matamasa ang kanilang retirement benefits, habang nagbubukas din ng oportunidad para sa mga nakababatang empleyado na umangat sa serbisyo publiko.
Umaasa ang mga may-akda na bibigyang-prayoridad din ng Senado ang panukala.