Photo courtesy of Senate Public Relations and Information Bureau
Lusot na sa plenaryo ng senado at deemed submitted na sa plenaryo ang panukalang 2027 budget ng department of foreign affairs (DFA).
Sa naging deliberasyilon, tinanong ni Senadora Imee Marcos ang ahensya kung bakit tila hindi ito nagbigay ng sapat na impormasyon tungkol sa naging pahayag ni US President Donald Trump na kailangang kunin ng Pilipinas mula sa Estados Unidos ang 100 percent ng pangangailangan nito sa agrikultura at enerhiya.
Tinanong ni Senadora Imee kung may naunang kasunduan o pag-uusap ba sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Trump bago inilabas ang naturang pahayag.
Tugon naman ni Senador Erwin Tulfo, na siyang nagdepensa sa panukalang pondo ng DFA, nakaatang na sa Department of Trade and Industry (DTI ) at Department of Agriculture (DA) ang pag-aaral sa usapin, bagama’t patuloy itong mino-monitor ng ahensya.
Binahagi din ni Tulfo na nabigla ang DFA sa pahayag ni Trump dahil ang naunang napag-usapan sa bilateral meeting ng dalawang Pangulo sa ASEAN Summit ay tungkol lang sa taripa at hindi sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.
Dahil dito, sinabi ni Marcos na nakababahala ang kawalan ng paunang konsultasyon sa DFA, na siyang pangunahing ahensya sa pagbalangkas ng foreign policy ng bansa.
Hiniling din ng senadora na agad ipaalam sa Senado ang mga susunod na developments, lalo’t kailangan ding ratipikahan ng Senado ang anumang tratado.
Samantala, sinabi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na maaaring hindi literal na 100 percent ang napag-usapan ng dalawang bansa.
Para sa majority leader, posibleng bahagi lang ito ng pahayag ni Trump para makakuha ng suporta sa loob ng US. Giit ni Zubiri, mahirap paniwalaang kayang kunin ng Pilipinas ang lahat ng pangangailangan nito sa agrikultura at enerhiya mula lang sa Estados Unidos.