Binigyang-diin ni Senador Kiko Pangilinan ang mahalagang papel ng civil society organizations (CSOs) at citizen watchdogs sa pagsubaybay sa paggastos ng pamahalaan at pagpapanagot sa mga opisyal sa paggamit ng pondo ng bayan.
Sa pagsisimula ng plenary deliberations ng senado para sa panukalang 7.2 trillion pesos 2027 national budget, pinasalamatan ni Pangilinan ang People’s Budget Coalition sa pagsusuri nito sa halos isang libong budget line items.
Kabilang sa mga kinuwestiyon ng grupo ang 16 billion pesos na alokasyon para sa farm-to-market roads (FMRs) na maaaring makaapekto sa sektor ng agrikultura.
Ayon kay Pangilinan, mahalaga ang ganitong mga independent na pagsusuri para matiyak na ang mga panukalang gastusin ay kinakailangan, may malinaw na benepisyaryo at tunay na may pakinabang sa publiko.
Binigyang-diin din ng senador na dapat gawing mandatory ang partisipasyon ng publiko sa paghahanda at pagtalakay sa pambansang budget.
Aniya, makatutulong ang pagbabantay ng mga mamamayan para matukoy ang mga kuwestiyonableng alokasyon bago pa man magamit o maabuso ang pondo, lalo na matapos ang naging kontrobersiya sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Hinikayat rin ng senador ang mas maraming organisasyon at mamamayan na makilahok sa proseso ng budget deliberations dahil karapatan at responsibilidad ng publiko ang pagbabantay sa bawat pisong ginagastos ng pamahalaan.