Lusot na sa plenaryo ng senado ang panukalang 2027 budget ng Office of the President (OP) at ng Presidential Communications Office (PCO).
Bilang kurtesiya, mabilis na nakalusot ang OP budget ng walang interpellation o pagtatanong mula sa sinumang senador.
Samantala, sa naging plenary deliberations naman ng panukalang budget ng PCO, muling napag-usapan ang mungkahing taasan ang singil sa pagkuha ng passport.
Tiniyak ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito na hindi papayagan ng Senado na matigil ang printing ng mga passport sa kabila ng banta ng APO Production Unit, ang pangunahing nag-iimprenta ng Philippine passports.
Sa plenary deliberations ng panukalang budget ng Presidential Communications Office (PCO), kung saan attached agency ang APO, binahagi ni Ejercito ang pag-aalala sa naging pahayag ng APO na posibleng maantala ang produksyon ng passports dahil sa pagtaas ng gastos sa printing ng mga ito.
Ayon kay Ejercito, humihiling ang APO Production Unit, na itaas sa P1,500 ang presyo kada booklet mula sa kasalukuyang P733 dahil sa inflation, pagbabago sa exchange rate at pagtaas ng presyo ng raw materials at logistics.
Dagdag ng Senate Finance Chief, binawasan ng Kamara ng P2 billion ang orihinal na P5.799 billion na panukalang pondo ng DFA para sa pagbili at personalization ng pasaporte, kaya naging P3.799 billion na lang ito sa House version ng 2027 budget.
Dahil dito, nagbabala ang APO na posibleng maubusan ng suplay ng pasaporte pagsapit ng ikalawang quarter ng 2027 kung hindi matutugunan ang problema sa pondo at production cost.
Sinabi naman ni Senador Erwin Tulfo, na siyang nagdepensa sa panukalang budget ng PCO, na sapat pa ang kasalukuyang alokasyon para maipagpatuloy ang produksyon sa unang dalawang quarter ng 2027 pero kailangan nang makahanap ng dagdag na pondo para sa ikatlo at ikaapat na quarter.
Tiniyak ni Tulfo na hindi papayagan ng Senado ang pagkaubos ng passport o anumang pagkaantala sa pag-iisyu nito.
Hindi rin aniya gustong maipasa sa publiko, partikular sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang dagdag na gastos sa pamamagitan ng pagtataas ng passport fees. Tiniyak naman ni Ejercito na pag-aaralan ng Senado ang maaring mapagkukunan ng pondo para maiwasan ang pagkaantala sa pag-isyu ng pasaporte at hindi maipasa sa publiko ang dagdag na gastos.