Inihayag ni Commission on Audit (COA) Supervising Auditor Xylene Mae Del Campo na ang umano’y pagpasa ng confidential fund cash ng Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer (SDO) na si Gina Acosta sa isang security officer ay tahasang paglabag umano sa mga alituntunin ng Joint Memorandum Circular No. 2015-01.
Sinabi ni Del Campo na inamin umano mismo ni Acosta, sa ilalim ng panunumpa, noong Nobyembre 2024 sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability na ibinigay niya ang confidential fund cash kay Col. Raymund Dante P. Lachica, dating pinuno ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSG).
Ayon kay Del Campo, sinabi umano ni Acosta na ginawa niya ito batay sa direktiba ni VP Sara Duterte. Sa ilalim ng Item 6.1.1 ng Joint Circular No. 2015-01, mahigpit na ipinagbabawal ang paglilipat ng confidential fund cash advance mula sa isang accountable officer patungo sa ibang opisyal o accountable officer.