Umakyat pa sa 26 ang bilang ng mga napaulat na nasawi dahil sa epekto ng habagat batay sa pinakahuling datos ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa PNP, sa bilang na ito, dalawa ang napaulat na nasawi sa Region 1 dahil sa pagkakuryente at pagkalunod; pito naman dahil sa mga insidente ng rockfall at pagkakuryente sa Region 4A; 16 dahil sa landslide sa Cordillera Administrative Region.
At isang PNP personnel ang nasawi dahil din sa pagkalunod sa Cadiz City, Negros Occidental. Habang 15 naman ang naitalang nasugatan at dalawa pa ang nawawala.
Samantala, mahigit 3,000 pulis ang naka-deploy para tumulong sa mga naapektuhan ng bagyo habang mahigit 11,000 ang Regional Security Support Force na nakatakdang i-deploy kung kinakailangan.
Nasa 800 na mga pulis din ang naka-deploy sa mga evacuation center kung saan nasa 17,000 pamilya o halos 70,000 indibidwal ang pansamantalang lumikas sa mga apektadong lugar.