Photo courtesy of Senate of the Philippines
Pinalinaw ni Senator-Judge Vicente Sotto III ang nakasaad sa journal ng Impeachment Court tungkol sa naging pagtatanong kay private prosecutor Atty. Mae Divinagracia noong nakaraang linggo.
Ginawa ni Sotto ang manifestation bago aprubahan ng Impeachment Court ang journal ng pagdinig.
Naalarma aniya ang senator-judge sa isang news report na nagsabing hindi pinayagang sumagot si Divinagracia at ilang beses itong pinutol habang nagpapaliwanag, partikular sa tanong tungkol sa paggamit ng mga alias.
Matatandaang nagmula kay Senator-Judge Robin Padilla ang tanong na ito sa trial noong Miyerkules, August 26.
Sa isang manifestation bago simulan ang Day 29 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Lunes, pinahayag ni Sotto na matapos niyang suriin ang journal ay nakita niyang nakasagot naman si Divinagracia sa karamihan ng mga tanong.
May isa o dalawang pagkakataon lang aniyang naputol ang pagsagot ni Divinagracia.
Pinunto rin ni Sotto na sa ilalim ng Republic Act No. 6085, ang paggamit ng pseudonym o alias sa Pilipinas ay pinapayagan lamang para sa literary, cinema, television, at iba pang entertainment purposes.
Aniya, kung may taong nakatago sa likod ng isang alias, itinuturing ito bilang alias.
Pero kung walang totoong tao sa likod ng alias, ito ay maituturing na fictitious o fake name. Giit ni Sotto, ginawa niya ang paglilinaw upang maging klaro sa publiko at sa mga miyembro ng korte kung ano talaga ang nakasaad sa journal ng Impeachment Court.