Photo courtesy of Senate of the Philippines
Nilinaw ni Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero na peke at AI-generated ang litratong kumalat online na nagpapakitang may suot na earpiece si OVP Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio habang nagpapatotoo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa halip, ayon kay Escudero, ang nakikita sa kanyang tainga ay isang front-fold helix ear piercing at hindi isang communication device.
Kaugnay nito, naglabas ang Impeachment Court ng mahigpit na direktiba para sa lahat ng susunod na testigo.
Ipinagbabawal ng korte sa mga testigo ang paggamit o pagkakaroon ng access sa earpiece, headset, cellphone, smartwatch, smart glasses, at iba pang device na maaaring gamitin sa pagtanggap o pagpapadala ng impormasyon habang nakasalang sa witness stand.
Bawal din ang pagtanggap o pagtatangkang tumanggap ng anumang mensahe, senyales, sagot, suhestiyon, o prompt mula sa sinumang tao, nasa loob man o labas ng korte.
Mananatili aniya ang pagbabawal hanggang sa pormal na i-discharge ng korte ang testigo, kabilang na tuwing naka recess ang trial.
Ipinag-utos din ni Escudero sa Clerk of Court na ipagbigay-alam sa bawat testigo ang mga alituntunin bago ito manumpa at kunin ang mga bawal na communication device bago ang pagharap sa trial.
Ang anumang paglabag ay maaari aniyang patawan ng kaukulang disciplinary action. Sinabi ni Escudero na layunin ng direktiba na matiyak na ang bawat testigo ay magpapatotoo batay lamang sa sarili nitong kaalaman, at walang mangyayaring coaching o pakikialam mula sa mga abogado o sinuman.