Isinusulong ni Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III na maimbestigahan sa Senado ang mga sanhi at matinding epekto ng sunod-sunod na bagyo at Habagat na tumama sa bansa nitong August.
Sa Proposed Senate Resolution No. 631, hiniling ni Sotto na suriin ang kahandaan at disaster mitigation measures ng gobyerno, kasama ang katatagan at pagiging epektibo ng mga imprastraktura, lalo na ng mga flood control project.
Ayon sa senador, halos linggu-linggo ang bagyo at Habagat na naranasan ng Pilipinas nitong August, na nagdulot ng malawakang pagbaha, suspensiyon ng klase at trabaho, pagkaka-stranded ng mga commuter, pagsasara ng mga negosyo, at pagpasok ng baha sa mga bahay.
Tinatayang umabot sa P5.1 bilyon ang pinsala sa public at private infrastructure, kabilang ang pagkasira o pagguho ng mga kalsada, tulay, at flood control structures.
Bukod dito, ikinababahala rin ni Sotto ang epekto ng baha sa kalusugan.
Iginiit ng Senate President Pro Tempore na dapat suriin kung sapat at matibay ang mga public infrastructure sa harap ng mas matitinding bagyo at Habagat. Kailangan din aniyang matiyak na naisasaalang-alang ang epekto ng large-scale development project sa pagbaha at likas-yaman ng bansa.