Photo courtesy | Pacific Islands Forum
Nagpahayag ng seryosong pagkabahala ang China mula sa partisipasyon ng Taiwan sa Pacific Islands Forum sa Palau.
Ayon kay Chinese Special Envoy for Pacific Island Affairs Qian Bo, “inappropriate” o hindi nararapat ang presensya ng Taiwan sa pulong at nagbabalang may “consequences” o kahihinatnan ang pagpapasali sa Taipei sa pagtitipon.
Kaagad namang tinabla ng Australia at New Zealand ang pahayag ng China at sinabing may karapatan ang forum na magpasya ng sarili nitong ugnayan.
Ayon kay Australian Prime Minister Anthony Albanese, ang Pacific Islands Forum ay may sariling desisyon pagdating sa pulong, habang binigyang-diin naman ni New Zealand Foreign Minister Winston Peters na hindi tumatanggap ng instructions o tagubilin ang grupo mula sa mga bansang hindi kasapi.
Bagaman hindi dialogue partner, may mahalagang ugnayan ang Taiwan sa Pacific Islands Forum bilang isa sa development partners nito.
Matatandaang matagal nang minamasama ng China ang pakikipag-ugnayan ng Taiwan sa ibang partido lalo’t itinuturing nitong kabahagi ng kanilang bansa ang isla.
Mariin naman itong tinututulan ng Taiwan at iginigiit na sila ay may sariling soberanya at kalayaan bilang isang bansa.