Walang-patid ang isinasagawang pag-responde ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan gayundin ang provincial government nito sa mga sinalanta ng matinding pagbaha dulot ng serye ng mga bagyo at Habagat.
Sa panayam ng Mark In, Mark Out kay Bulacan Local Disaster Risk Reduction and Management Officer retired Police Colonel Manuel Lukban Jr. sumampa sa mahigit 22,000 indibidwal o katumbas ng mahigit 6,000 pamilya ang nasa evacuation center at apektado ng sakuna.
Dagdag pa ni Lukban, na sumampa pa nga sa 27,000 individuals ang bilang ng mga nasa evacuation center sa kasagsagan ng mga pag-ulan.
Ipinag-utos na rin ni Bulacan Governor Daniel Fernando alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na huwag mapatid ang ipinaabot na tulong ng national government sa pamamagitan ng DSWD.
Handa rin ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na dagdagan pa ang ipinaabot na tulong sa mga apektadong residente sa pamamagitan ng paggamit ng Quick Response Fund o QRF ng probinsya.
Patuloy naman ang isinasagawang monitoring ng pamahalaang panlalawigan sa mga parte ng Bulacan na hanggang sa ngayon ay lubog pa rin sa baha.