Pinag-aaralan ng Department of Agriculture (DA) at Department of Energy (DOE) ang paggamit ng mas mura at iba’t ibang feedstock para mapalawak ang local production ng bioethanol.
Kabilang sa sinusuri ang molasses, katas ng tubo at lokal na mais, kasabay ng posibilidad na itaas ang ethanol blend sa gasolina mula 10 porsiyento hanggang 15 porsiyento.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sapat ang suplay ng mais, pero kailangang matiyak na mabibili ito sa presyong magiging kapaki-pakinabang sa ethanol producers.
May kabuuang kapasidad na mahigit 500 milyong litro kada taon ang mga ethanol plant, ngunit hindi pa ito lubos na nagagamit.
Sinabi ng Kalihim na maaari lamang gamitin ang mais para punan ang idle capacity, upang hindi maapektuhan ang industriya ng tubo.
Layunin ng hakbang na mapababa ang gastos sa bioethanol at mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported fuel.