Photo courtesy of Philippine Red Cross
Batay sa pinakahuling ulat kaninang alas-2 ng hapon, umabot na sa 3,511 ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng natulungan ng Philippine Red Cross sa buong bansa kaugnay ng Undas Operation 2026.
Sa datos ng PRC, 3,387 dito ang sumailalim sa vital signs monitoring habang 115 ang naasikaso dahil sa minor cases at pito naman ang major cases.
Dalawa rin ang isinugod sa ospital dahil sa stroke at panghihina ng katawan.
Nakapagtala rin ang ahensya ng 137 welfare assistance kabilang ang psychological first aid, referrals, pamamahagi ng pagkain at tubig, at wheelchair assistance.
Sa kasalukuyan, nasa 1,900 personnel at volunteers ang naka-deploy ng PRC, katuwang ang 67 ambulansya at 337 first aid stations.
Pinakamarami ang deployment sa mga sementeryo na may 283, kasunod ang 17 bus terminals, at 15 highway areas.
