Umabot na sa mahigit 10,000 ang naitalang pagpasok ng mga bisita sa Barangka Public Cemetery sa Marikina City ngayong Undas 2026, isa sa mga pangunahing sementeryo sa lungsod.
Batay sa monitoring sheet ng sementeryo nitong November 1, nasa 10,362 ang kabuuang bilang ng mga pumasok hanggang 2:00 PM.
Patuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan ang pagdating ng mga pamilya upang dalawin at alalahanin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa gitna ng pabago-bagong lagay ng panahon.
Sa kabila ng dagsa ng mga bisita, wala pang naitatalang major incident sa loob ng sementeryo hanggang sa kasalukuyan.
Patuloy rin ang pagbabantay ng mga nakatalagang personnel upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga dumadalaw.
Nananatiling maayos ang sitwasyon sa Barangka Public Cemetery habang inaasahang magpapatuloy ang pagdagsa ng mga bisita ngayong Undas.