Sisimulan matapos ang Undas ang planong rehabilitasyon sa Barangka Public Cemetery sa Marikina City, kung saan titiyakin ng pamahalaang lungsod na matutukoy at mapangangalagaan ang mga labi ng mga nakalibing doon.
Ayon kay Jeth Atayan, Administrative Aide III na nakatalaga sa Barangka Cemetery, kasalukuyan nang namamahagi ng forms ang pamunuan upang makuha ang pangalan ng mga nakalibing, gayundin ang contact details ng kanilang mga kamag-anak.
Layunin nitong maabisuhan ang mga pamilya bago buksan ang mga nitso na maaapektuhan ng rehabilitasyon.
Magkakaroon din ng tagging o paglalagay ng pagkakakilanlan sa mga labi upang matiyak na hindi mawawala o magkakahalo ang mga ito.
Pansamantala namang ililipat ang mga maaapektuhang labi habang isinasagawa ang proyekto.
Ayon kay Atayan, inaasahang magiging mas maayos at moderno ang sementeryo sa sandaling matapos ang proyekto, na planong isagawa sa apat na phase at may nakatakda ring columbarium.
