Pinalakas ng Eastern Police District (EPD) ang seguridad ngayong Undas 2026 sa pamamagitan ng pagtiyak sa kahandaan ng kanilang District Reactionary Standby Support Force o D-RSSF na maaaring agad na rumesponde sa anumang insidente.
Isinagawa kaninag alas-8 ng umaga ngayong November 1 ang personnel accounting at operational inspection sa EPD Headquarters sa Pasig City.
Pinangunahan ito ni PCol. Moninco Cadayona, Officer-in-Charge ng Deputy District Director for Administration, upang suriin ang kahandaan ng mga pulis na nakatalaga sa naturang response force.
Ayon sa EPD, magsisilbing pangunahing tactical reserve ang D-RSSF na maaaring agad i-deploy upang umalalay sa mga police station sa Pasig, Marikina, Mandaluyong, at San Juan.
Binigyang-diin din ni Cadayona ang kahalagahan ng pagiging alerto, disiplina, at kahandaan ng bawat tauhan para sa agarang mobilisasyon.
Bahagi ito ng hakbang ng EPD na tiyakin ang sapat na presensya ng kapulisan at mabilis na pagtugon sa anumang emergency upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko sa paggunita ng Undas 2026.