Inanunsiyo na ng kumpanyang Regasco na wala silang ipatutupad na taas-singil sa kanilang mga Liquefied Petroleum Gas (LPG) products ngayong buwan ng Setyembre sa buong bansa.
Sa isang video message, ipinabatid ni Regasco President Arnel Ty na hindi nila itutuloy ang naka-plano na sanang ₱2 hanggang ₱3 na taas-singil sa kada kilo ng LPG sa Setyembre.
Pangunahing dahilan nga rito ang ipinatutupad na price freeze ng Department of Trade and Industry (DTI) at ang pagdedeklara ng iba’t ibang lugar sa Luzon ng state of calamity.
Matatandaang kabilang sa mga dahlia ng pagtaas ng presyo ng LPG ang pagbabago sa palitan ng piso at dolyar gayundin ang pagtaas pa ng presyo ng shipping cost.
Binigyang-diin naman ni Ty na ayaw nang dumagdag pa ng Regasco sa alalahanin ng mga Pilipinong labis na sinalanta ng mga nagdaang bagyo at matinding Habagat.