LUNGSOD NG MAKATI, 1 Setyembre 2026— Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na itutuloy ang National Simultaneous School Safety Drill sa Setyembre 3, kung saan nakatutok ito sa kahandaan ng mga paaralan para sa kaso ng active threat kasabay ng pagtiyak sa kapakanan ng mga kalahok.
Ang na-reschedule na drill ay bunga ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga katuwang sa larangan ng medisina at kalusugang pangkaisipan, kabilang ang Philippine Psychiatric Association, Philippine Society for Child and Adolescent Psychiatry, at Philippine Pediatric Society, upang matiyak na ang mga protocol sa kaligtasan ay batay sa pamantayang nakatutok sa bata at trauma-informed sa ilalim ng “Do No Harm” directive.
Binigyang-diin ni Education Secretary Sonny Angara na dapat ituring na magkatambal na prayoridad sa mga patakaran ng paaralan ang pisikal na seguridad at ang mental health.
“Safety is not just about physical security; it is equally about protecting our children’s peace of mind. We are working closely with our medical experts and psychiatric societies to ensure our shared priority for the total well-being of our children remains at the center of our implementation,” pahayag ni Secretary Angara.
“Our goal for September 3 is to build calm operational confidence and muscle memory through proper orientation, not fear. Preparedness saves lives, and trauma-informed execution protects our learners,” dagdag pa ni Angara.
Bago ang pagsasanay, magsasagawa ng mga paghahanda ang mga kalahok na paaralan, kabilang ang pagsusuri sa kahandaan ng paaralan, ang capacity-building training para sa mga guro at angkop sa edad na oryentasyon para sa mga mag-aaral.
Upang paigtingin ang sikolohikal na kahandaan at maiwasan ang anumang pagkagulat, kinakailangang magbigay ang mga pinuno ng paaralan at mga guro ng paunang abiso sa mga mag-aaral, magulang, at kawani.
Kinakailangan ding kumuha ng mga paaralan ng nakasulat na pahintulot mula sa mga magulang at pagsang-ayon mula sa mga mag-aaral bago ang pakikilahok. Ang mga mag-aaral na matutukoy na nangangailangan ng karagdagang proteksyon o ang kanilang mga magulang ay humiling ng mga akomodasyon ay bibigyan ng mga ligtas na alternatibong aktibidad nang walang parusa o diskriminasyon.
Magsasagawa ang mga klase ng step-by-step na pagsasanay sa mga pangunahing hakbang sa proteksyon—tulad ng pagsisiguro sa mga pinto, tahimik na pagtatago malayo sa mga bintana, at pagsusuri sa mga daanan palabas—habang isinasaalang-alang ang mga mag-aaral na may natatanging pangangailangan, kapansanan, o sensitibo ang pandama.
Sa ilalim ng umiiral na mga alituntunin sa disaster risk reduction, nilinaw ng DepEd na mahigpit na ipagbabawal sa nasabing drill ang anumang elementong masyadong makatotohanan o nakapagdudulot ng takot. Kabilang dito ang mga simulation ng banta, mga role-player na nagsisilbing agresor, paggamit ng mga patalim o blunt weapon, at mga graphic na elemento tulad ng baril, paputok, kunwaring putok ng baril, o mga kunwaring sugatan.
Sa halip, isang hiwalay na hudyat na iba sa alarm para sa lindol o sunog ang gagamitin sa pagsimula ng aktibidad. Nakatutok lamang ang mga paaralan sa pagbuo ng mga tuntunin sa pagsasanay nang hindi nagdudulot ng pangamba o takot.
Sa pagbibigay-diin na ang mga hakbang sa kaligtasan ay dapat umangkop sa iba’t ibang pangangailangan ng paaralan, sinabi ni Angara, “Bawat bata ay may kanya-kanyang antas ng katatagan at pang-unawa, kaya hindi pwedeng one-size-fits-all ang ating approach sa kaligtasan.”
“When we prepare our learners and train our teachers with empathy, age-appropriate guidance, and proper care, we give our school communities confidence and reassurance instead of anxiety. At the end of the day, our schools must remain sanctuaries where learners feel safe, supported, and protected at all times,” dagdag ni Angara.
Upang mapanatili ang maayos na kapaligiran, ang mga itinalagang guidance personnel at school health officer ay magbibigay ng Psychological First Aid (PFA) at mga debriefing session matapos ang drill. Magtatatag din ang mga paaralan ng malinaw na mekanismo ng referral sa mga DepEd Schools Division Office (SDO), local government unit (LGU), at mga pasilidad ng kalusugan para sa mga mag-aaral na nangangailangan ng espesyal na pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan.
Ang pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) ay nakatutok lamang sa seguridad sa labas ng paligid ng paaralan, mga sistema ng paunawa sa emergency, at pagsubaybay sa mga mag-aaral pagkatapos ng insidente.
Magsasanay din ang mga mag-aaral sa compliance posture sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang mga kamay nang mataas, walang hawak, at kitang-kita sa harap ng mga rumespondeng awtoridad sa panahon ng evacuation. Mahigpit na ipinagbabawal sa mga pulis ang pagpapakita sa mga mag-aaral ng mga tactical disarming drill o anumang agresibong kilos na nakatatakot.
Tinitiyak ng mga paghahandang ito na ang drill sa Setyembre 3 ay magsisilbing praktikal at pangkalahatang batayan upang suriin at pagbutihin ang contingency plan ng bawat paaralan. | via DepEd Press Release