Photo courtesy of Infanta, Pangasinan LGU
Inilaan ng Lokal na Pamahalaan ng Infanta, Pangasinan ang humigit-kumulang ₱3.7 milyon mula sa calamity fund para sa pagbili ng bigas na ipamamahagi sa mga residenteng nangangailangan ng tulong ngayong patuloy na nararanasan ang epekto ng Habagat.
Ayon sa isang post ni Infanta Mayor Virgilio Vallarta, tinatayang 11,091 pamilya ang makatatanggap ng tig-limang kilo ng bigas bilang bahagi ng pagtugon ng LGU sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Magugunitang isinailalim sa state of calamity ang bayan ng Infanta noong ika-28 Agosto dahil sa matinding epekto ng Habagat sa bayan.
Tiniyak din ni Vallarta, na sasailalim sa inspection at quality checking ang bawat sako ng bigas bago ito ipamahagi upang matiyak ang kalidad ng matatanggap ng mga benepisyaryo.
Layunin ng lokal na pamahalaan na maging maayos, patas, at malinaw ang proseso ng pamamahagi upang matiyak na makarating ang tulong sa mga pamilyang higit na nangangailangan.