Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang obserbasyon ng National Heroes Day o Araw ng mga Bayani ngayong araw.
Sa naging talumpati ng Pangulo, binigyang-pagkilala at parangal niya ang mga bayaning nag-ukol ng kanilang tapang, lakas at maging ng buhay para makamit ang dignidad at kalayaan ng bansa.
Binigyang-diin din ng Pangulo na sa bawat henerasyon ay may mga bagong bayaning bumabangon at patuloy na naglilingkod sa sambayanan.
Naririyan aniya ang mga OFW para sa pag-unlad ng pamilya at bayan; mga sundalo at pulis, emergency responders, bumbero at iba pang unang sumasaklolo sa ating mga kababayang nahaharap sa mga panganib.
Kinilala rin ng Pangulo ang mga guro, health care workers, mga ama at ina na walang tigil sa pagtatrabaho upang mabigyan ng maganda at maginhawang buhay ang kanilang pamilya.
Hindi rin nalimutan ng Pangulo na kilalanin ang AFP, Coast Guard at mga taga-BFAR, pati na ang mga mangingisda na nagsisilbing frontliners para protektahan ang ating mga karapatan, kabuhayan at interes sa West Philippine Sea.
