Patuloy ang imbestigasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pinagmulan ng limang kabaong na iniwan sa magkakahiwalay na lugar sa Metro Manila nitong Biyernes, na may mga anti-China na mensahe.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, may mga nakuhang leads ang NCRPO na patuloy na bineberipika upang matukoy ang pinagmulan ng mga kabaong at ang mga nasa likod ng insidente.
Nabatid na natukoy na ng Quezon City Police District ang driver ng van na umano’y ginamit sa pag-iwan ng kabaong sa Welcome Rotonda sa Quezon City. Ayon sa QCPD, natunton at nakapanayam ang driver na sinabing nirentahan lamang umano ang van na ginamit sa insidente.
Isiniwalat din umano ng driver na magkakaibang sasakyan ang ginamit sa paghahatid ng mga kabaong. Binayaran daw ng P8,000 ang bawat driver at P1,000 naman ang mga tumulong sa pagbaba ng mga kabaong. Sinabi naman ni Co na maaga pa para sabihing bahagi ng destabilization plot ang insidente.