Photo courtesy of Philippine Army
Nagsimula nang mag-deploy ang Philippine Army ng karagdagang pwersa para tiyakin ang seguridad sa kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Philippine Army Chief Public Affairs Colonel Jose Regonay Jr., ide-deploy sa BARMM ang Task Force 92 na binubuo ng 561 personnel sa pangunguna ni Commanding Officer Lieutenant Colonel Anacito Naz.
Kabilang sa mga yunit nito ang infantry, military intelligence, mortar, EOD, K9, at iba pang units.
Bukod sa pagbibigay ng seguridad, magsasagawa rin ang Task Force ng community engagement initiatives at palalakasin ang koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan upang matiyak na malaya at ligtas na makaboboto ang mga residente ng BARMM.
Sinabi ni Regonay na unang munang ide-deploy ang Task Force 92 sa area of responsibility ng 602nd Infantry Brigade, 6ID, PA. Magsasagawa ito ng Combined Arms Operation ngayong buwan sa Joint Task Force Central-Joint Area of Operations para masiguro ang ligtas na pagsasagawa ng BARMM elections.