May responsibilidad si Vice President Sara Duterte sa natuklasang mga anomalya sa paggamit ng ₱73.287 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong December 2022.
Ito ang isiniwalat ni Xylene Mae del Campo, Supervising Auditor ng Commission on Audit Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO), sa kaniyang pagharap sa witness stand sa impeachment trial ng Bise Presidente ngayong Martes.
Ayon kay Del Campo, nagpalabas ng Notice of Disallowance ang COA para sa pondo dahil nabigo ang OVP na magpakita ng patunay ng matagumpay ang surveillance at information gathering activities—mga pangunahing kahilingan bago makapaglabas ng pondo para sa “rewards.”
Sa 105 aktibidad na isinumite ng OVP bilang tugon sa audit, walang anumang kongkretong accomplishment na maipresenta upang patunayan ang tagumpay ng mga confidential operation.
Nang tanungin ni Kapunan kung sino-sino ang may pananagutan, unang tinukoy ni Del Campo si VP Duterte bilang head of agency at nag-apruba sa mga transaksyon at paggamit ng cash advances.
Kasama ring pinananagot sina Gina Acosta — Special Disbursing Officer (SDO) ng OVP, Julieta Villadelrey — Chief Accountant ng OVP at Col. Raymond Lachica- security officer ng pangalawang pangulo. | ulat ni Melany Reyes