Tumulong na ang iba’t ibang yunit ng Philippine Air Force (PAF) para maibsan ang epekto ng matinding pagbaha sa bayan ng San Simon sa lalawigan ng Pampanga.
Ito’y dahil sa pananatili ng tubig-baha partikular na sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) na nagsilbing kalbaryo sa mga motoristang bumabagtas doon buhat pa noong isang araw.
Dahil dito, sama-sama ang 600th Air Base Group, Installation Management Command, 420th Supply Wing, Air Logistics Support Command at Reserch and Development Center sa pagsasagawa ng sand-bagging operations.
Ginawa ito sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Army at Office of Civil Defense Region 3 upang maibsan ang pagbaha sa lugar.
Ayon sa PAF, bahagi ito ng kanilang pangako na patatagin ang kanilang Humanitarian Assistance at Disaster Response para sa mga apektado ng kalamidad.

