Inatasan ng Department of Education (DepEd) ang lahat ng pampublikong paaralan na palakasin ang ipinatutupad nilang protocols para maiwasan, matutukan, at maiulat ang mga kaso ng Dengue gayundin ng Leptopirosis.
Ayon sa DepEd, ito ay sa gitna na rin ng pagdami ng mga kaso ng sakit dulot ng malalakas na ulang dala ng hanging habagat at ng mga nagdaang bagyo.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, naglabas sila ng dalawang pabatid o advisories sa mga paaralan lalo na sa mga school head, guro, at mga kawani na mahigpit na ipatupad ang mataas na pamantayan sa kalinisan.
Kasunod nito, nanawagan ang kalihim sa mga pamunuan ng paaralan na paigtingin ang kanilang Enhanced 4S Strategy na itinakda ng Department of Health (DoH) para puksain ang pinanggagalingan ng mga nabanggit na sakit.
Binigyang-diin ng kalihim na nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magtuloy-tuloy ang edukasyon ng mga kabataan nang hindi nasasakripisyo ang kanilang kalusugan sa panahon ng kalamidad.

