Nagsagawa ng aerial inspection kahapon ang pamahalaan sa mga lugar na naapektuhan ng malakas na pag-ulan dulot ng Habagat, kabilang ang Bulacan, NLEX, Pampanga, at Tarlac.
Pinangunahan nina Department of National Defense (DND) Undersecretary Irineo Espino at Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Harold Cabreros ang nasabing aerial inspection.
Layon ng inspeksyon na matukoy ang lawak ng pinsalang idinulot ng pagbaha at masuri ang kasalukuyang kalagayan ng mga apektadong komunidad.
Ang resulta ng aerial inspection ay gagamitin bilang batayan sa pagtukoy sa mga kinakailangang tugon at tulong para sa mga komunidad na apektado ng pagbaha.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo na sa 2.5 milyon pamilya o 8.8 milyong indibidwal ang naapektuhan ng masamang panahon.
Partikular ito sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera, CALABARZON, MIMRAROPA at Metro Manila.

