Itinulak ng Pilipinas ang apat na pangunahing prayoridad para sa mas matatag na pamilya at inklusibong pag-unlad sa rehiyon ng Southeast Asia, kasabay ng pagtatapos ng mga pulong ng ASEAN Socio-Cultural Community o ASCC Council.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, kabilang sa mga pangunahing napagkasunduan ang pagpapalakas ng regional disaster response, childcare reforms, responsableng paggamit ng makabagong teknolohiya at pagsusulong ng tinatawag na silver economy.
Sa ilalim ng silver economy, hinihikayat ang pamahalaan at pribadong sektor na bumuo ng mga produkto at serbisyong magbibigay ng oportunidad sa mga senior citizen na manatiling aktibo at produktibo sa lipunan.
Samantala, bibigyang-pansin din ang pagprotekta sa kabataan laban sa mga panganib sa internet, kabilang ang cyberbullying at iba pang uri ng online abuse, gayundin ang pagtatatag ng mas ligtas na digital spaces sa gitna ng paggamit ng artificial intelligence.
Bahagi rin ng mga napagkasunduan ang pagpapalakas ng childcare system, partikular ang paghahanap ng permanenteng pamilya para sa mga batang nakaranas ng pang-aabuso at pagsasamantala.
Umaasa ang Pilipinas na maisasalin sa konkretong programa at aksyon ng bawat miyembrong bansa ang mga napagkasunduang hakbang sa nagtapos na pulong.