Office of the Ombudsman
Tinitiyak ng Malacañang na patuloy na ginagawa ng Office of the Ombudsman ang lahat upang mapabilis ang imbestigasyon sa iba’t ibang kasong hawak nito, habang nakiusap naman ito ng pag-unawa at pasensya mula sa publiko upang makabuo ng matitibay na kaso laban sa mga erag na opisyal.
Sa isang pahayag noong Lunes, binigyang-diin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na isang independent constitutional body ang Ombudsman at may sarili itong mandato na sinusunod.
Ginawa ni Castro ang pahayag nang tanungin kung may direktiba o kahilingan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa anti-graft body na pabilisin ang mga isinasagawang pagsisiyasat.
“May sariling mandato ang Office of the Ombudsman. Ito po ay isang independent body,” ani Castro.
“Nadidinig naman natin ang mga report, mga salita, ang mga mensahe ni Ombudsman Boying Remulla, kung paano sila nagtatrabaho at paano nila inaaral ang mga naipasa na mga dokumento sa kanilang opisina,” dagdag pa ng opisyal.
Inamin din ng Palasyo na hindi biro ang mag-isa at mag-aral ng napakaraming dokumento at file na nakatambak sa opisina ng Ombudsman, ngunit nauunawaan umano ng pamahalaan na layunin din ng tanggapan na matapos agad ang mga imbestigasyon sa lalong madaling panahon.
Paliwanag pa ni Castro, mas makabubuting maging masusi ang proseso kaysa madaliin ang kaso na maaari namang magbunga ng mahinang habla. Aniya, ang Ombudsman din ang madadaluhong at mababatikos kapag naibasura lamang ang kaso dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya.