Personal na tinutukan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang disaster response ng ahensya para sa mga pamilyang naapektuhan ng landslide sa Barangay Guisad Surong, Baguio City noong August 9.
Binisita ng kalihim ang ‘ground zero’ ng insidente para makita ang sitwasyon at alamin ang agarang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng pagguho ng lupa.
Nakiramay rin ang DSWD chief sa mga naulilang pamilya at nagpaabot ng ₱10,000 cash assistance sa bawat isa sa pitong pamilya na nawalan ng mahal sa buhay.
Tiniyak nitong magkakaloob din ang kagawaran ng burial assistance sa pamamagitan ng Guarantee Letter matapos makumpleto ang mga kinakailangang dokumento.
Kaugnay nito, binisita rin ng kalihim ang dalawang survivor na kasalukuyang nagpapagaling sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC). Nagpaabot ang DSWD ng kabuuang ₱30,000 cash relief at medical assistance at inihahanda rin ang psychosocial support para sa kanilang mga pamilya.
Patuloy aniya ang koordinasyon ng DSWD sa lokal na pamahalaan at iba pang response agencies upang matukoy at matugunan ang karagdagang pangangailangan ng mga apektadong pamilya, mula sa agarang relief assistance hanggang sa early recovery.
📸 DSWD

