Patuloy ang pag-alalay ng Philippine Red Cross (PRC) sa mga naapektuhan ng masamang panahon sa Luzon dulot ng pinagsamang epekto ng mga Bagyong Luis at Maymay gayundin ng pinalakas na Habagat.
Ayon sa PRC, nakapagbigay tulong ang kanilang mga volunteer sa may 113 indibidwal, nakapag-rescue ng 32, habang nakapagtayo rin sila ng 42 First Aid stations, nakatugon sa 57 sugatan, at nakapagpakalat ng 7 ambulansya sa mga apektadong lugar.
Bukod sa rescue, kabilang din sa mga naihatid ng Red Cross ang mga gamot, pagkain, tubig, welfare and santitation assistance.
Nagsagawa rin ang PRC ng disaster assessment sa mga apektadong lalawigan sa Luzon gayundin sa ilang lugar sa National Capital Region para agad matukoy ang pangangailangan ng mga apektado.
Dagdag pa riyan, ayon sa Red Cross, nakapaghatid din sila ng mahigit 5,000 hot meals at mahigit 3,000 tinapay, habang nasa 626 na indibidwal ang nabigyan ng Child-Friendly Spaces.

