Photo courtesy of House of Representatives
Maituturing na ‘historic low’ ang halaga ng unprogrammed funds na makikita sa panukalang 2027 national budget, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa isang pulong balitaan sinabi ni DBM Acting Sec. Kim De Leon na P111.984 bilyon ang unprogrammed appropriations para sa susunod na taon, katumbas ng 1.5 porsiyento ng kabuuang expenditure program.
Ito na ang pinakamababang nominal value mula noong 2019.
Ito rin aniya ang pinakamababang ratio ng unprogrammed appropriations sa kabuuang budget mula pa noong 1991.
Ipinaliwanag ni De Leon na may tiyak na paggagamitan ang pondo, kabilang ang mga foreign-assisted projects na hindi pa kumpleto ang detalye nang ihanda ang 2027 National Expenditure Program.
Siniguro naman ni Appropriations Committee Chair Mikaela Suansing na susuriin ng Kamara ang bawat item sa unprogrammed appropriations sa pagtalakay sa 2027 budget.
Sinabi niyang gagamitin nilang gabay ang ginawa noong 2026, kabilang ang pagtanggal sa infrastructure projects bilang maaaring pondohan mula sa unprogrammed appropriations sa final House version.