Nagbigay-babala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa mga online influencer na nag-eendorso pa rin ng illegal gambling sites.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas, sinabi ni CICC Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso, posibleng kaharapin ng mga pasaway na influencer ang patong-patong na kaukulang mga kaso kung patuloy nilang susuwayin ang batas.
Inihayag ito ni Usec. Paraiso matapos maglabas ang CICC ng mga listahan at mga detalye ng mga lehitimong online gambling platform sa kanilang opisyal na social media page, upang maging mapag-ingat ang publiko sa naglipanang scammers sa internet na nagpapanggap bilang lehitimong platform.
Samantala, sinabi rin ni Usec. Paraiso na tinututukan din ng CICC ang mga kumakalat na fake news patungkol sa mga pagbaha sa Metro Manila at Luzon bunsod ng tuloy-tuloy na mga pag-ulan na epekto ng habagat at mga nagdaang bagyo.