Mas pinapalawak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang connectivity sa buong bansa lalo na sa mga liblib na lugar upang mabigyan ng internet access at makakuha ng digital jobs ang mas maraming Pilipino.
Ayon kay DICT Sec. Henry Aguda, sa pamamagitan ng pinapalawak na connectivity at access sa internet ng publiko gayundin ang upskilling ng mga ito, mas dumarami ang nagkakaroon ng mga digital jobs.
Kaugnay nito, ibinahagi rin ng kalihim na patuloy ang mga upskilling activities at training sa larangan ng AI at digital jobs ng ahensya upang makatulong na madagdagan ang kaalaman ng publiko patungkol sa digital at digitally-enabled jobs.
Batay sa pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nasa 1.8 million na ang nabigyan ng digital at digital-related training ng DICT at iba pang mga ahensya ng pamahalaan, na nakakatulong upang mas maging competitive, tumaas ang kita, at mas matagal na employment sa mga Pilipino.
Alinsunod din aniya sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na tulungan ng DICT ang BPO industry sa harap ng AI Development, kung dati nasa dalawang milyon ang nagtatrabaho sa industriya, ayon sa kalihim noong 2025 nadagdagan ito ng 80,000 at inaasahang muling madaragdagan ng 80,000 jobs ngayong 2026, hindi pa aniya kasama rito ang mga digital-related jobs.