Walang tigil ang pagpapadala ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar na naapektuhan ng mga pag-ulang dala ng Habagat at mga nagdaang bagyong Luis at Maymay.
Sa latest report ng DSWD-DROMIC, umabot na sa ₱678.7 milyon ang halaga ng humanitarian assistance na naipaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa 10 apektadong rehiyon.
Kabilang sa mga naipamahaging tulong ang halos isang milyong Family Food Packs (FFPs), na pangunahing ipinagkakaloob sa mga pamilyang pansamantalang nananatili sa evacuation centers.
Samantala, as of August 16, umakyat na sa 1.4 milyong pamilya o mahigit 5 milyong indibidwal ang apektado ng kalamidad.
Sa bilang na ito, 7,182 pamilya o halos 25,000 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa 332 evacuation centers.
Kaugnay nito, 739 bata ang nakinabang sa child-friendly spaces, 31 kababaihan sa women-friendly spaces, habang 210 indibidwal naman ang nabigyan ng psychological First Aid.