Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na isaalang-alang ang kapakanan ng kalikasan at sundin lagi ang mga batas kaugnay nito.
Iyan ay kasunod ng pagpapaigting ng kampaniyang SAGIP KALIKASAN na sumusupil sa mga iligal na aktibidad sa mga gubat at karagatan na nakapipinsala sa likas yaman ng bansa.
Sa Western Visayas, nasa 95 ang inaresto habang papalo naman sa ₱3.72 milyong halaga ng mga isda at iba pang yamang dagat ang nakupiska sa mahigit 220 operasyon mula nitong Sabado hanggang Linggo.
Batay sa ulat sa Kampo Crame ni Police Regional Office 6 Director, PBGen. Randulf Tuaño, 33 ang naaresto sa iligal na pangingisda habang nasa 27 naman ang naaresto dahil sa illegal logging.
Bukod sa mga isda, nakumpiska rin ng mga pulis ang mahigit 4,000 tabla na mga troso at sako-sakong uling na nagkakahalaga ng mahigit sa ₱200,000.
Kabilang sa mga tinutukan ang illegal fishing, illegal logging, illegal quarrying, paglabag sa smoking regulations, at iba pang aktibidad na nakapipinsala sa likas na yaman ng rehiyon.
Giit ni Tuaño, mahalaga ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng batas at pakikipagtulungan ng publiko upang mapangalagaan ang likas na yaman sa kanilang rehiyon.

