Binuweltahan ng Department of National Defense (DND) ang Chinese Embassy nang itanggi nito ang mga paratang na binitawan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Kaugnay ito ng iligal na aktibidad ng ilang mamamayan ng China dito sa Pilipinas kasunod ng pag-aresto sa humigit kumulang 60 sa sinalakay na Sanjia Steel Plant sa Tagoloan Misamis Oriental ngayong taon.
Ayon kay Defense Spokesperson, Assistant Secretary Arsenio Andolong, hindi sinagot ng Embahada ng Tsina ang mga argumento ng kalihim sa halip ay tanong at retorika lamang ang ibinalik nito.
Malinaw aniya itong pag-iwas ng Chinese Embassy sa katotohanan matapos nitong kuwestyunin ng anila’y, discriminatory o selective law enforcement laban sa kanilang mamamayan.
Magugunitang ang mga inarestong Chinese national sa Misamis Oriental ay sangkot sa paggawa ng mga sub-standard, hazardous, at nagtataglay ng radio active material na mga bakal gayundin ng iba pang paglabag sa kalikasan.
Sa kaniya namang bagong pahayag, sinabi ng kalihim patuloy sa pag-iwas ng Chinese Foreign Ministry sa mahahalagang usapin gaya ng pagkakasangkot ng mga Tsino sa mga batas ng Pilipinas batay sa mga nakalap na ebidensya.
Tahasan ding inakusahan ni Teodoro ang Tsina ng pangingialam sa mga usaping panloob ng Pilipinas dahil sa pagpapatupad nito ng batas gayundin ang pagbabanta ng paghihiganti laban sa mga Pilipinong nakabase sa Tsina.
Tinawag ding “classic squid tactic” ng kalihim ang pahayag ng Chinese Foreign Ministry at iginiit na hindi magpapaloko rito ang mga Pilipino.

