Mahigpit na tinututukan ng Philippine National Police (PNP) ang kaso ng pananambang kay Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdullraof Macacua nitong Sabado.
Sa isang pahayag, sinabi ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nakikipag-ugnayan sila sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang kinauukulang ahensya ng pamahalaan para sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Giit ng PNP Chief, hindi ito ang tamang pagkakataon para magpakalat ng ispekulasyon hinggil sa motibo ng pananambang at sa ngayon, aniya, ay nakatutok sila sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan para sa kaligtasan ng publiko sa lugar.
Puspusan din ang mga ginagawang hakbang ng PNP para tukuyin kung sino ang nasa likod ng insidente at tiyaking mapananagot ang mga ito sa mga umiiral na batas.
Tiniyak ng PNP na tutuparin ang mandato na nakasalig sa konstitusyon, may due process at paggalang sa karapatan ng bawat indibidwal.

